Malawakang rehabilitasyon ng MRT-3, nakumpleto na

Natapos na ang malawakang rehabilitasyon sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Simula pa lamang January 2019, sinimulan na ng Sumitomo-MHI-TESP ang advance works at pagbili ng train parts at iba pang kinakailangang kagamitan para sa rehabilitation project.

Ilan sa unang inaksyunan ng pamunuan ng MRT-3 at maintenance provider ang matatagal nang problema ng pagkakaroon ng aberya sa pasilidad ng tren.

Bago ang rehabilitasyon ng MRT-3, tanging 14 escalators lamang ang gumagana noong January 2, 2019, habang limang elevators ang operational noong May 4, 2016.

Tatlong buwan nang simulan ang rehabilitrasyon noong August 20, 2020, nakumpleto na ng MRT-3 ang overhauling sa lahat ng 34 elevators at 46 escalators.

Noong September 2020, natapos naman ang pagbabago ng mainline rail.

Dahil dito, nakapag-deploy na ng 22 na tumatakbang tren sa linya noong September 21, 2020.

Sa pamamagitan nito, nasimulan na rin ang unti-unting pagtataas ng operational speed hanggang sa umabot sa 60 kilometers per hour noong December 2020.

Nakatulong naman ang mas mabilis na train speed sa pagpapaiksi ng travel time sa pagitan ng North Avenue Station at Taft Station.

Ayon pa sa pamunuan ng MRT-3, naayos na ang signaling system, na responsable para sa ligtas na operasyon ng tren.

Pagdating naman sa communications system, umabot sa 292 ang bagong ikinabit na CCTV units at 30 platform monitors. Pinalitan din ng bagong public address (PA) system sa lahat ng istasyon.

Kabilang din sa rehabilitasyon ang pag-upgrade ng power supply at overhead catenary system (OCS) sa MRT-3.

Ibinida ng pamunuan ng MRT-3 na nakumpleto ang malawakang rehabilitasyon nang hindi nasisira ang regular na operasyon ng tren at sa kabila ng naranasang pandemya.

Umaasa naman ng MRT-3 management na mapagbuti pa, kasama ang pagpapalawak ng kapasidad ng linya sa pamamagitan ng pagde-deploy ng 4-car train sets

Layon anilang makapaghatid ng komportable, ligtas, at maaasahang mass transportation system sa mga commuter.

Read more...