Katuwiran ni Gatchalian, napakaraming hamon ang kinahaharap ng programa, kabilang na ang ‘congested curriculum’ at ang kakulangan ng mga guro sa pagsasanay.
Binanggit nito na base sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), sa 79 bansa, ang Pilipinas ang nakakuha ng pinakamababang rating sa Reading.
Samantala, pangalawa naman sa pinakamababa ang Pilipinas sa Science at Mathematics.
Dagdag pa ng senador, kailangan ding rebyuhin ang kahandaan ng senior high school graduates ng magtrabaho.
“Patuloy nating susuriin ang mga naging kakulangan sa K to 12 program upang matiyak na naaabot natin ang mga layunin nitong makapaghatid ng dekalidad na edukasyon. Maliban sa pagsusuri sa K to 12 program, patuloy nating isusulong ang mga reporma upang matiyak na hindi napag-iiwanan ang ating mga mag-aaral pagdating sa dekalidad na edukasyon tungo sa mas maayos na trabaho,” sabi pa ng namumuno sa Senate Committee on Basic Education.