Nagbigay ng saloobin si Presidential candidate Leody De Guzman ukol sa “Build, Build, Build” program ng administrasyong Duterte.
Sa unang Comelec presidential debate, Sabado ng gabi (March 19), sinabi ni De Guzman na mayroon namang naidulot na pakinabang ang naturang programa.
Ngunit ayon sa presidential aspirant, “Pero sa tingin ko sabit ‘yung pagbubuhos ng pondo.”
Marami aniyang magagandang tulay na nagawa ngunit hindi naman naibibigay ang pangunahing pangangailangan ng mamamayan.
“Walang kwentang gobyerno. Iyong basic na kailangan ng mga mamamayan ay hindi natutugunan. Iyon ang aking pagtingin dito sa ‘Build, Build, Build’ na ito. Ibinaon tayo sa grabeng utang,” pagdidiin nito.
Samantala, pito naman sa presidentiables ang nagpahayag na itutuloy ang “Build, Build, Build” program kung sila ang maluklok na pangulo.
Kabilang dito sina Presidential candidates Ernesto Abella, Isko Moreno, Faisal Mangondato, Jose Montemayor Jr., Ping Lacson, Manny Pacquiao, at Leni Robredo.