“Mark my word”
Ito ang naging banta ni PROMDI Presidential aspirant Manny Pacquiao sa mga nagnanakaw ng kaban ng bayan.
Sa unang Comelec presidential debate, Sabado ng gabi (March 19), sinabi ni Pacquiao na ipakukulong niya ang lahat ng kawatang opisyal sa gobyerno, sakaling manalo bilang pangulo ng bansa.
“Kapag si Manny Pacquiao ang naging presidente, humanda na kayong mga kawatan diyan sa gobyerno dahil ipapakita ko sa inyo ang kakaibang administrasyon ni Manny Pacquiao na ang mga kawatan ay magsasama-sama sa kulungan,” pahayag nito.
Sa pag-iikot sa iba’t ibang lugar sa bansa, nadudurog aniya ang kaniyang puso na makitang naghihirap ang mga Filipino.
“Nakikita ko ang sarili noong araw nung ako’y mahirap,” ani Pacquiao.
Nakasasama aniya ng loob ang mga mapagsamantalang opisyal ng pamahalaan.
“Pagdating ng panahon, ‘yan po talaga ang sugpuin ko because of them. Dahil wala pong development, walang opportunity na naibibigay natin sa taumbayan.”
Kaya ayon sa senador, isusulong at ipaglalaban niya ang mga polisiya para sa kapakanan ng mahihirap na mamamayan.
“Ang puso ni Manny Pacquiao palaging nasa mga mahihirap. Itong ipinaglalaban ni Manny Pacquiao, gusto ko lang tiyakin at ulitin sabihin sa taumbayan na laban ito ng mahihirap na tao, laban ito ng sambayang Pilipino.”
Ka-tandem ni Pacquiao si vice presidential candidate Lito Atienza.