Inisa-isa ni Presidential candidate Leni Robredo ang mga rason kung bakit siya ang “best man” para maging susunod na pangulo ng bansa.
Sa unang Comelec presidential debate, Sabado ng gabi (March 19), sinabi ni Robredo na kailangan ang pangulo, laging present at handang magsakripisyo para sa makatulong sa bayan.
“Ang kailangan po nating pangulo, ‘yung magmamadaling samahan ka kapag nahihirapan ka, handang magsakripisyo para tulungan ka, handang harapin kahit sino para ipaglaban ka,” pahayag nito.
Dagdag nito, “Ako po, may eleksyon o wala, bagyo man o kahit anong sakuna, pandemya, kahit anong problema, nandito po ako.”
Anuman aniya ang ilabas na kwento tungkol sa kaniya, mayroon siyang resibo para patunayan ang mga nagawang proyekto sa iba’t ibang komunidad, kasama ang mga pribadong organisasyon.
Pasaring pa nito, “Kaya huwag na po nating hanapin ang ayaw namang humarap sa atin. Lahat ng oras, nandito po ako hinaharap kayo, ipinapaglaban kayo.”
Dagdag nito, “True leader show up and man up. Kaya po sa darating na Mayo, the best man for the job is a woman.”
Si Robredo ang bukod-tanging babae na tumatakbo sa pagka-pangulo sa 2022 National and Local Elections.