Hirit ni Go sa mga kapwa senador, bilisan ang pagpapasa ng mga panukalang batas para sa pagpapatayo ng mga ospital

Humihirit si Senador Christopher “Bong” Go sa mga kapwa senador na bilisan ang pagpapasa sa mga panukalang batas na magdadagdag sa pagpapatayo ng mga ospital.

Ayon kay Go, chairman ng Senate Committee on Health, naaprubahan na sa Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang pagpapatayo ng 15 local hospital bills.

“Mayroon pong iba’t ibang mga health-related bills. Marami pang ihi-hear kami next week tulad ng mga local hospital bills. Iyong iba naman, iyong mga bagong (local government unit- at Department of Health-run) hospitals na isinulong ng Lower House, ite-take up namin ‘yan sa Senado,” pahayag ni Go.

“Noong nakaraang budget deliberation, may isinulong ako na mga Super Health Centers. Parang mas malaki siya sa rural health units, about 500 square-meters na building… Para ito sa mga lugar na mga walang provincial hospital,” dagdag ni Go.

Ayon kay Go, nasa P3.6 bilyon ang available funds sa 2022 Health Facilities Enhancement Program para sa pagpapatayo naman ng 305 Super Health Centers.

Nais din ni Go na maaprubahan na rin sa lalong madaling panahon ang kanyang itinutulak na panukalang batas na Senate Bill No. 2155, na magtatayo ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines (VIP).

“Dapat handa tayo para hindi tayo mabigla dahil hindi naman natin masabi kung ito na ba ang huling pandemya na darating sa buhay natin. Mas mabuti na handa tayo. Eh, kung mas mabuti nga magkaroon tayo ng sarili nating bakuna para hindi tayo umaasa sa ibang bansa. Mas mabuti na ‘yun, ‘yung lagi tayong handa,” pahayag ni Go.

Read more...