LTFRB, tinanggihan ang P1 temporary hike petition sa jeep

Tinabla ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang petisyong provisional fare increase ng 1-UTAK, PASANG MASDA, ALTODAP At ACTO na P1.00 para sa unang apat na kilometro.

Paliwanag nito, kailangang balansehin ang karapatan ng mga commuter na nagdedepende sa public transport system, at ang financial returns ng operators.

Iginiit ng LTFRB na hindi nila binabale-wala ang kalagayan ng publiko sa bawat pagkakataong magkakaroon ng taas-presyo sa iba’t ibang produkto, kabilang ang langis.

Binanggit din ng ahensya ang posisyon ng National Economic Development Authority (NEDA) na magreresulta ang panukalang taas-pasahe sa pagbaba ng purchasing power ng publiko, na nakadepende sa pampublikong transportasyon.

Siniguro ng LTFRB na inaalala nila ang kasalukuyang estado ng mga Filipino kasunod ng pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa world market, kasabay ang pandemya.

Upang mabawasan ang epekto nito, sinabi ng ahensya na nagtakda ang administrasyong Duterte ng mga solusyon sa public transport system ng bansa, tulad ng Fuel Subsidy Program at Service Contracting Program.

Samantala, sinabi ng ahensya na nakabinbin pa ang resolusyon para sa main petition patungkol sa pagtataas ng minimum fare mula sa P9 patungo sa P14.

Read more...