Joel Villanueva suportado ang 4-day workweek para tipid ang mga manggagawa

Naniniwala si reelectionist Senator Joel Villanueva na malaking tulong sa mga kawani ang pagpapairal ng four-day workweek.

Aniya maari din naman ang iba pang alternatibong work arrangements na magiging daan para makatipid ang mga manggagawa bunsod na rin ng napakataas na presyo ng mga produktong-petrolyo.

“Isa sa pinakamainam na interventions mula sa gobyerno ang implementasyon ng flexible working arrangements,” sabi pa ni Villanueva.

Dagdag pa ng senador, sa ganitong mga paraan ay napapanatili pa naman ang pagiging produktibo ng negosyo at nabibigyan proteksyon pa ang kapakanan ng mga manggagawa habang nakakatipid sa konsumo sa langis.

Kasabay nito, muling nanawagan ang senador sa Department of Labor and Employment (DOLE) na makipag-ugnayan sa mga negosyo para sa ganap na pagpapatupad ng Work from Home Law na naging epektibo noon pang 2018.

Read more...