Dalawang South Korean national na wanted dahil sa fraud, timbog sa Pampanga

Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang puganteng South Korean na sangkot sa large-scale fraud.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Jaime Morente, nahuli ng BI fugitive search unit sa magkahiwalay na operasyon sina Son Hyungjun, 36-anyos, at Choi Jong Bok, 40-anyos, sa Pampanga.

Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, naaresto si Son sa Angeles City.

Napaulat na miyembro umano ang dayuhan ng isang telecommunications fraud syndicate kung saan nakapanloko sa mga biktima ng humigit-kumulang 22 million won, o halos US$18,000.

May inilabas na arrest warrant ang Busan district court sa South Korea laban kay Son, maging ang kaniyang mga kasabwat.

Samantala, nahuli naman si Choi sa Porac, Pampanga dahil sa panloloko sa kababayan ng mahigit P7 milyon sa isang fraudulent stock investment scheme.

Dahil dito, naglabas ang Nambu district court sa Seoul ng arrest warrant laban kay Choi.

Kinansela na rin ang mga pasaporte ng dalawang dayuhan kung kaya’t ikinokonsidera na sila bilang undocumented aliens.

Sa ngayon, nakakulong ang dalawang dayuhan sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay and deportation proceedings.

Read more...