Mga negosyante at ‘balimbing’ dagsa sa Davao City

 

Mula sa Inquirer.net/AFP

Sentro ngayon ng matinding aktibidad ang lungsod ng Davao dahil sa napipintong pagkapanalo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa presidential race.

Dinudumog ngayon ang naturang lungsod ng mga pulitiko, mga negosyante at iba pang sektor ng lipunan sa pag-asang mabibigyan ng pagkakataon na makausap ang presumptive president ng bansa.

Karamihan sa mga bisita ni Duterte ang umaasang mabibigyan ng pagkakataon na makapanilbihan sa susunod na administrasyon samantalang ang iba naman ay nais na batiin ito sa kanyang tagumpay.

Isa sa mga ito si dating Laguna Gvoernor ER Ejercito na naghintay pa ng siyam na oras bago makausap ang presumptive president.

Matatandaang bago ang botohan, sinuportahan ni ER ang kandidatura ni Vice President Jejomar Binay.

Umaasa si Ejercito na maluklok sa Department of Tourism sa ilalim ng Duterte administration bagamat wala itong nakuhang konkretong tugon sa hiling na ito mula kay Duterte sa kanilang pulong.

Ilan pa sa mga personalidad na nagtungo sa Davao ay ang bilyunaryong Lucio Tan at Ghadzali Jaafar ng MILF.

Samantala, sa kabila ng matinding aktibidad, masaya ang mga negosyo at mga reisdente sa lungsod dahil sa muling naging sentro ng atensyon ang Davao City.

Malaki rin ang inaasahang kita na papasok sa lungsod dahil sa dami ng mga bisita ngayon mula s alabas ng Davao City.

Ayon kay Robert Alabado III, director for Southern Mindanao ng Department of Tourism, sapat naman ang mga accommodations sa lungsod.

Sa ngayon, nasa 92 porsiyento ng mga hotel rooms ang okupado.

Matatandaang tumatanggi si Duterte na lumuwas ng Maynila na sentro ng pamahalaan ng Pilipinas kaya’t sa Davao City na nagpupunta ang mga nais na bumisita dito.

Read more...