Excise tax sa produktong petrolyo, hindi maaring suspendihin – DOF

Radyo Inquirer On-Line photo

Nanindigan ang Department of Finance (DOF) na hindi maaring suspendihin ang excise tax sa produktong petrolyo.

Ito ay kahit na kaliwa’t kanan ang panawagan ng iba’t ibang sektor sa pamahalaan na suspendihin ang excise tax at value-added tax (VAT) sa produktong petrolyo para maibsan ang kalbaryo ng taong bayan.

Nagpatupad na naman ng taas-presyo sa produktong petrolyo ang mga kumpanya ng langis dahil sa patuloy na giyera sa Ukraine at Russia.

Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Finance Assistant Secretary Paola Alvarez na malulugi kasi ang gobyerno ng P138.8 bilyon o katumbas ng 0.6 porsyento ng gross domestic product (GDP) kapag tinanggal ang excise tax at VAT sa produktong petrolyo.

“So diyan po sa usapin na iyan, iyong posisyon po kasi natin, hindi po tayo sang-ayon sa pagsuspinde ng excise taxes. Kasi po malaki po ang mawawala sa ating kaban o sa ating pera sa Treasury ‘pag ginawa po natin iyan,” pahayag ni Alvarez.

“Ang pinu-propose po natin, imbes po na suspendehin natin overall, magbigay po tayo ng targeted support doon sa mga mahihirap na nangangailangan,” dagdag ni Alvarez.

Sinabi pa ni Alvarez na sakaling sundin ang panukala ng Kamara na suspendihin ang excise tax sa produktong petroklyo mula Hunyo hanggang Nobyembre, aabot sa P48,7 bilyon ang mawawala sa kaban ng bayan.

Kapag sinunod naman aniya ang panukala ng Senado na suspendihin ang excise tax sa produktong petrolyo mula Hunyo hanggang Disyembre, aabot sa P69.3 bilyon ang mawawala sa kaban ng bayan.

Kapag sinuspinde naman aniya ang excise tax sa produktong petrolyo sa susunod na sampung taon, papalo sa P1.5 trilyon ang mawawala sa kaban ng bayan.

Binigyang katwiran ni Alvarez na mahalaga ang excise tax para mapondohan ang mga programa ng gobyerno pati na ang pagbibigay ng ayuda sa mga drayber.

“So ang iniisip po natin, mas maganda na iyong mga PUV at saka iyong mga drivers ng jeepneys na nakarehistro sa ating Pantawid Pasada Program, bibigyan na lang po natin sila ng targeted subsidy kasi po ‘pag ganoon, mas maku-control po natin na iyong ating koleksiyon hindi ho bumaba. Kasi nga po ngayong paglalabas natin sa pandemya, kailangan po talaga nating i-push iyong ating economic at government spending. Kung hindi po, maaapektuhan po talaga ang pagbalik natin sa ating ekonomiya bago po ang pandemya,” pahayag ni Lavraez.

Nasa P5 bilyon ang inilaang pondo ng Department of Budget and Management (DBM) para ipang ayuda sa mga drayber ng pampublikong sasakyan na apektado ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.

Read more...