Ikaapat na ‘Bayanihan, Bakunahan’ program pinalawig hanggang March 18

Photo credit: Quezon City government/Facebook

Pinalawig ang ikaapat na National Vaccination Days hanggang sa Biyernes, March 18.

Sa media forum, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na layon nito na mas marami pang indibiduwal ang mabigyan ng bakuna.

Paliwanag naman nito ukol sa hindi naabot na target sa ikaapat na National Vaccination Days, “Unang-una, kailangang maintindihan ng ating mga kababayan na we are unto the last mile of our vaccination program. Kapag sinabi nating last mile, tayo po ay nagsusuyod na.”

Dagdag nito, “The target has been set low because we know that most of our vaccinees o ‘yung mga eligibles natin na talagang nandoon ang kanilang interes na magpabakuna ay nagawa natin.”

“Ang hinahanap natin ngayon ay ‘yung mga hesitant na magpabakuna, ‘yung mga taong hindi talaga maka-access o hindi makarating sa bakunahan dahil for some reasons katulad ng walang transportation, malayo ang kanilang lugar. Sila ay pinupuntahan na natin sa kanilang mga bahay,” aniya pa.

Marami aniyang salik na ikinokonsidera ang DOH sa lumalabas na turnout sa kampanya sa pagbabakuna laban sa COVID-19.

“First will be hesitancy because marami pa rin pong nagkakalat ng mga maling impormasyon at marami pa rin sa ating mga kababayan ang nagkakaroon mg maling perception sa bakunang ito,” ani Vergeire.

Kasama rin sa mga factor na tinitignan ng kagawaran ang ageism, kung saan naniniwala ang mga nakatatanda na hindi na nila kailangang magpabakuna dahil sa kanilang edad, at manpower.

Tiniyak naman ng DOH official na wala pa ring humpay ang pagbabahay-bahay ng mga nakatalagang health worker.

“This 57 percent, for us, is still a success because we know that the challenge is really there at hindi po kami titigil diyan at ipagpapatuloy pa rin po natin ang ating Bayanihan, Bakunahan program in the coming months,” saad pa nito.

Read more...