Nakahanda ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na umalalay sa mga pasahero na maapektuhan ng ikakasang tigil-pasada ng isang grupo ng mga jeepney operators at drivers ngayon araw.
Sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes bahagi ng kanilang paghahanda ang prepositioning ng kanilang mga bus at truck para sa libreng sakay sa mga mananakay na maapektuhan ng gagawing hakbang ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON).
“Agency buses and trucks will be prepositioned to provide free rides to commuters and transport them to the EDSA Bus Carousel. “Libreng Sakay” signage will be attached to vehicles so that the public can easily identify them,” sabi ni Artes.
Naihanda na ang 20 sasakyan na kinabibilangan ng 11 commuter vans, anim na bus at tatlong military trucks.
Sabi pa nito, tutukan nila ang mga pangunahing lansangan sa Metro Manila sa pamamagitan ng CCTVs sa kanilang Metrobase para sa agaran pagpapadala ng kanilang mga sasakyan.
Magpapakalat din sila ng kanilang traffic personnel at Road Emergency Group sa ilang bahagi ng Kalakhang Maynila para umasiste sa mga motorista at komyuter.