Inaresto ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) Station Eastern Sarangani ang tatlong Indonesian nationals na nakasakay sa hindi awtorisadong bangka na may dalang mga panabong na manok sa Sarangani Bay.
Habang nagsasagawa ng maritime patrol bandang 11:30 ng gabi, namataan ng PCG team ang bangka na bumbiyahe patungo sa Indonesia.
Base sa beripikasyon, nadiskubre ng ahensya na may dalang 190 panabong na manok, poultry feeds, animal medicines, at vitamins ang bangka.
Kinilala ni PCG District Southern Mindanao Commander, Coast Guard Captain Rejard Marfe, ang mga dayuhan na sina Bura Wangka, 36-anyos; Zaidunin Makahiking, 38-anyos; at Maman Bawimbang, 28-anyos.
Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ng mga dayuhan na kinontrata sila para kunin ang consignment ng mga panabong na manok.
Dumating aniya sila sa bahagi ng Barangay Bawing sa General Santos City noong March 6 at dadalhin sana ang mga manok sa Tahuna, Indonesia.
Lumabas din sa inspeksyon ng PCG na walang Safety, Security, and Environmental Numbering (SSEN) mula sa Coast Guard ang bangka, na malinaw na paglabag sa Department of Transportation (DOTr) Memorandum Circular Number 2017-001 na may petsang March 31, 2017.
Nabigo ring magpakita ng mga dayuhan ng transport permit at iba pang kinakailangang permit mula sa Bureau of Animal Industry (BAI) sa General Santos City.
Sa ngayon, nasa ilalim ng legal custody ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong dayuhan, ngunit nasa physical custody ng PCG Station Eastern Saranggani.
Dinala naman ang mga nasabat na panabong na manok at iba pang kargamento sa BAI.