May dagdag-atraksyon ang lokal na pamahalaan ng Quezon City para maengganyo ang mga bata na magpabakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, ginawa kasi nilang emotional support ang rescued dogs na Aspin na sina Chichi at Coffee.
Ayon kay Belmonte, nag-iikot sa iba’t ibang vaccination sites sina Chichi at Coffee para aliwin ang mga batang magpapabakuna.
Huling pinuntahan nina Chichi at Coffee sa North Fairview Elementary School.
“Kapag nakita ng mga bata ‘yung mga aso, tuwang-tuwa sila tapos pwede pa nilang hawakan at pwede pang mayakap. It soothes the anxiety of the kids and makes vaccination a fun experience for them,” pahayag ni Belmonte.
Ayon kay City Veterinarian Dr. Ana Marie Cabel, ng Quezon City Health Department (QCHD), ang kanilang hanay ang gumawa ng paraan para maging memorable ang pagpapabakuna sa mga bata.
Nabatid na simula nang itatag ang QC Animal Care and Adoption Center, 14 na aso ang sumailalim sa pagsasanay sa community service animals kung saan dalawa ay nagsisilbing emotional support dogs.