100-percent classroom capacity sa mga kolehiyo na may face-to-face classes, pinayagan na

Pinapayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang hirit ng Commission on Higher Education (CHED) na magkaroon ng 100 porsyentong classroom capacity ang mga eskwelahan sa kolehiyo na may face-to-face classes.

Ayon kay acting Presidential deputy spokesman Kris Ablan, ipatutupad lamang ito sa mga lugar na nasa Alert Level 1 o may mababang kaso ng COVID-19.

Pero ayon kay Ablan, dapat fully vaccinated ang mga guro, estudyante at non-teaching personnel na dadalo nang personal sa eskwelahan o unibersidad.

Ang mga estudyante aniya na hindi bakunado o isa pa lamang ang bakuna sa Alert Level 1 areas ay mananatili pa rin sa ilalim ng flexible learning modalities.

Para naman sa student dormitories ng mga higher education institution, wala namang ipatutupad na restriction para sa operational capacity basta may clearance ang unibersidad mula sa kanilang local na pamahalaan.

Samantala, sinabi ni Ablan na inaatasan ng IATF ang mga HEI na nasa Alert Level 1 na sundin ang joint memorandum circular ng CHED at Department of Health (DOH) na magsagawa ng self assessment checklist bago magbukas.

Pinayagan din ng IATF na mamili ang mga unibersidad kung anong learning modalities ang kanilang gagamitin.

Read more...