Bumuo ang Department of Education (DepEd) ng DepEd Elections Task Force (ETF) Operation and Monitoring Center upang tulungan ang mga guro at kawani ng pampublikong paaralan sa 2022 National and Local Elections sa May 9.
Ayon sa kagawaran, layon nitong suportahan ang Commission on Elections (Comelec) sa pagtitiyak sa malaya, maayos, tapat, payapa, at mapagkakatiwalaang halalan.
“The ETF will ensure that teachers and personnel are provided with adequate information, technical and legal assistance in the course of the performance of their duties as members of the Electoral Board. This will also serve as DepEd’s institutional link to volunteer organizations and individuals,” pahayag ni Sec. Leonor Briones.
Sa DepEd Memorandum No. 10, s. 2022, itinalaga sina Undersecretaries Alain Del Pascua at Atty. Revsee Escobedo bilang DepEd ETF Operations and Monitoring Center chair at vice-chair.
Itatatag DepEd ETF sa Bulwagan ng Karunungan, DepEd Central Office sa Pasig mula sa May 8 hanggang 10, 2022 upang magarantiya ang pagsunod sa pagpapatupad ng mga kautusan at tagubilin sa halalan.
Magbubukas ang ETF mula 1:00 hanggang 5:00 ng hapon sa mga nasabing petsa.
Dagdag nito, pinahihintulutan ang lahat ng opisina ng kagawaran sa rehiyon at dibisyon na bumuo ng kani-kanilang ETF Operations at Monitoring Center sa parehong petsa.
“The regional directors and schools division superintendents are instructed to submit a list of five officials/employees who will compose its ETF, with their respective designation, position, salary grade, DepEd email address, and contact information,” ani Pascua.
Sasailalim sa mga alituntunin at regulasyon ng Commission on Audit (COA) at polisiya ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagkakaloob ng honorarium sa mga opisyal at tauhan na magseserbisyo sa kani-kanilang ETF.
“Payments of overtime pay or grant of compensatory time-off to qualified personnel in the central, regional, and schools/city division offices who will compose the DepEd ETF are authorized, subject to the availability of funds and existing auditing rules and regulations, as well as the pertinent Civil Service laws,” dagdag nito
Magsasagawa rin ng orientation at pagsasanay para sa mga miyembro ng ETF sa buong bansa.