Banat ni Guanzon sa socmed, buma-viral
By: Chona Yu
- 3 years ago
“Patok sa takilya” ang mga patutsada ni dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon laban sa mga tinataguriang niyang “sinungaling,” “bobo,” at “adik” na kandidato.
Tila naging adbokasiya na ni Guanzon ang birahin sa social media ang mga kinaiinisan niyang kandidato matapos magretiro bilang senior commissioner ng Comelec noong Pebrero.
Sa isang Facebook post ni Guanzon, makikitang kumakain ang dating commissioner at nagsasabing, “Sarap talaga kumain lalo na kung di galing sa nakaw.”
Pumalo sa halos 10,000 shares, mahigit na 82,000 likes, at 5,000 comments ang post ni Guanzon na lumikha ng iba’t-ibang klaseng reaksyon mula sa mga netizens.
Sa isa sa mga comments, nagtanong ang isang Ignacio Banatao: “Bakit kayo nakasimangot madam sabi niyo masarap kumain pag hindi galing sa nakaw (smiley).”
Sinagot ito ni Guanzon at sinabing “Iniisip ko bat may cocaine addict na kandidato.”
Noong Nobyembre 2021, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na mayroong presidential candidate “who is using cocaine… from a wealthy family.”
Sinabi rin ng pangulo na ang kandidatong ito ay isang “very weak leader – his character – except for his name.”
“The father [was], but him? What has he accomplished?” dagdag ni Duterte.
Sa kanya namang Twitter account, binanatan ni Guanzon ang isa umanong “magnanakaw” at “addict” na kandidato dahil sa mga tiket at forms na ipinamimigay sa mga dadalo ng campaign rally.
“A candidate has a pyramiding scam in the rural barrios. They have forms. Magnanakaw!” ika ni Guanzon sa kanyang Twitter post na nakakuha ng halos 800 retweets at mahigit 6,000 likes.
Matapos ang tweet ni Guanzon, naglabasan ang mga lawaran ng raffle stub na ginagamit ng kampo ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos sa mga campaign sorties sa iba’t-ibang lugar.
Makikita sa lawaran ang mga raffle stub na may nakalagay na “BBM-SARA CARAVAN” at blank spaces kung saan isusulat ng dadalo ang kanyang pangalan, address, at numero ng telepono.
Nilinaw naman ni Guanzon sa iba pa nitong mga posts na “Hindi po ako kumakandidato” matapos kumalat ang kanyang larawan sa mga posters, standees, at tarpaulins.
Sinabi niyang bahagi ito ng kanyang “freedom of expression” at isa sa mga paraan para “imulat ang mga botante” sa kung sino ang dapat ihalal sa darating na eleksyon sa Mayo 2022.