Sinaluduhan ni Aksyon Demokratiko presidential candidate Manila Mayor Isko Moreno si Pangulong Rodrigo Duterte matapos taasan anginilaang pondo na fuel subsidy sa mga drayber ng pampublikong sasakyan.
Mula sa P2.5 bilyon, ginawa ni Pangulong Duterte na P5 bilyon ang ayuda sa mga drayber.
Naniniwala si Moreno na malaking tulong din sana kung tatapyasan pa ng 50 porsyento ang buwis sa krudo at kuryente.
Pangako ni Moreno, kung papalaring manalong pangulo ng bansa, babawasan niya ng buwis ang krudo at kuryente.
“Siyempre, nagpapasalamat at masaya ako para sa mga drivers kasi ‘pag nagawa ng pamahalaan iyan, kahit papaano maibsan iyong pagkalugi sa kita nila pang araw-araw. Makikinabang rin ang mga pasahero dahil sa kahit papaano ay wala munang taas-pasahe,” pahayag ni Moreno.
Nababahala si Moreno na dahil sa patuloy na giyera sa Ukraine at Russia, lalo pang tataas ang presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.
“As I have said, maghahanap tayo ng paraan kung paano maitatawid ang taong bayan. And one of those is money or resources. So, kung ako ang tatanungin, extend muna natin yoong barangay election by another year, or a year and a half, nang yung perang gagamitin natin sa eleksyon, magamit natin para ipang-ayuda sa tao, katulad nung gasolina, or ipang-ayuda sa pagkain, or ipambili natin ng fertilizer at ipamahagi sa magsasaka,” pahayag ni Moreno.