Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Nigerian national na sangkot sa credit card fraud at cyber-crime activities.
Sa ulat kay Immigration Commissioner Jaime Morente, tinukoy ng BI fugitive search unit (FSU) ang dayuhan na si Emmanuel Obi Nwadkure, 26-anyos.
Sa bisa ng mission order mula kay Morente, nahuli ang dayuhan sa Hall of Justice bldg. sa Muntinlupa City.
Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, kinuha ng ahensya ang dayuhan upang matiyak na hindi magtatago o tatakasan ang kinakaharap na criminal case habang dinidinig ang kaso nito sa korte.
Una aniyang pinayagang makapagpiyansa ang dayuhan, kung kaya’t pinalaya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ngunit paliwanag nito, sa ilalim sa batas, kailangang dalhin ang dayuhang may mga kinakaharap na kaso sa BI para sa deportation proceedings.
Napag-alaman ding nananatili si Nwadkure sa immigration hold departure list dahil hindi inalis ang inilabas na hold departure order ng korte laban sa kanya.
Unang naaresto ang dayuhan ng mga ahente ng anti-cyber crime unit ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa paglabag sa Republic Act 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998 noong September 8, 2020.
Sa ngayon, nakakulong na ang dayuhan sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.