DILG pinatitiyak sa LGUs, PNP na maging maayos ang ikaapat na National Vaccination Days

PCOO photo

Kasabay ng unti-unting paglipat ng bansa sa ‘new normal’, hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan at Philippine National Police (PNP) na tiyaking magiging maayos ang lahat ng preparasyon sa ikaapat na National Vaccination Days.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, kailangang pag-ibayuhan ng mga LGU ang natutunan mula sa huling tatlong bakunahan para sa mas maayos na implementasyon nito.

“Pinulong na natin ang mga governors, ang mga mayors, at ang barangay captains para masiguro natin na maayos at ligtas ang darating na Bakunahan 4 para sa mga natitirang mga seniors, mga kabataang 12-17 taong gulang, mga batang 5-11 ang edad, at mga nangangailang ng booster shots,” pahayag ni Año.

Ipinag-utos din ng kalihim sa PNP na magtalaga ng mas maraming pulis upang madagdagan ang police visibility sa vaccination sites.

“Kasabay ng pagbaba ng kaso ang mas maluwag na paggalaw ng mga tao at pagtaas ng mga krimen. Mas maigi na nakahanda ang ating mga kapulisan para masiguro natin ang kaligtasan ng mga nagbabakuna at nagpapabakuna,” saad nito.

Ani Año, kailangan pa ring dagdagan ang vaccination coverage sa bansa kahit mababa na ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19.

“We don’t want to go back to square one so while we are opening up our economy again, let us continue our vaccination efforts para hindi na talaga tayo malusutan ng COVID,” giit nito.

Dagdag ng kalihim, “With the steady decline in COVID-19 case turn-out and limited granular lockdowns, LGUs should now use the increase in mobility to prepare for the upcoming vaccination days.”

Limitado na aniya ang ipinatutupad na granular lockdowns sa bansa; siyam na lungsod at munisipalidad, 24 na barangay, 37 granular lockdown areas, 37 na bahay, at 47 na indibiduwal.

Tatagal ang ikaapat na National Vaccination Days simula March 10 hanggang 12.

Read more...