Nakahandang pamunuan ni Vice President Leni Robredo bilang commander-in-chief ang reporma sa Armed Forces of the Philippines (AFP) sa tulong ng mga “national security experts.”
Ayon kay dating Senador Antonio Trillanes IV, isang retiradong opisyal ng Philippine Navy, may malinaw na plano si Robredo pagdating sa usaping national security.
Sa isang online forum na pinangunahan ng grupong 1Sambayanan nitong Huwebes, sinabi ni Trillanes na “matitino at snappy” ang mga dating opisyal ng AFP at Philippine National Police (PNP) na tumutulong sa pagbuo ng polisiya ni Robredo.
Ilan sa mga dating pinuno ng AFP and PNP na nagpahayag ng suporta kay Robredo ay sina Maj. Gen. Generoso Cerbo Jr., Maj. Gen. Domingo Tutaan, dating chiefs of staff Gen. Hernando Iriberri at Gen. Eduardo Oban, at Vice Admiral Alexander Pama, dating Navy Flag Officer in Command.
“Maliban sa pagiging mabuting lider, marunong makinig sa kanyang mga pinamumunuan si VP Leni. Bukas siya sa inputs ng experts,” ani Trillanes.
“Ang pinaka-importante,” aniya, “ay handang magdesisyon si VP Leni sa harap ng mga usapin at sa harap ng iba’t-ibang magkakatunggaling opinyon.”
Naniniwala naman si dating senador Rodolfo “Pong” Biazon na hindi pa rin naglalaho ang “institutional sense of value” ng AFP kahit tila “binubusog” ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Susuporta ang military sa isang mabuting lider. Si VP Leni ang tipo ng lider na hindi kailangang suhulan ang military,” ayon kay Biazon na isa ring dating heneral at pinuno ng AFP.
Binigyang diin ni Biazon ang kahalagahan ng pagbuhay sa prinsipyo ng “civilian authority over the military” na tiwala siyang mas mapapatingkad ng administrasyon ni Robredo.
“Ang Armed Forces ay nakabase sa tamang sistema. Ang dapat mapatupad ay ang pagkilala ng supremacy ng civilian authority over the military,” ika ni Biazon.
Pinaalala ni Biazon ang pagkakamali ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr. “na bigyan ng kapangyarihan ang militar” na makialam sa pamumuno ng bansa.
“Never make the mistake of giving political power to a soldier kasi may baril yan,” ika ni Biazon. “Naniniwala ang ating military sa basic institutional issue na the civilian is always supreme over them.”
Sinabi ni Biazon na ang mga nakapaligid kay Robredo na mga dating opisyal ng AFP at PNP ay naniniwala sa mga prinsipyong pinanindigan ng vice president.