UNICEF, IWF at Globe nanawagan ng ligtas na child internet use

Nanawagan ng pagtutulungan ang Globe, United Nations Children’s Fund (UNICEF) at Internet Watch Foundation (IWF) sa mga sektor ng lipunan para sa mas ligtas na paggamit ng internet ng mga bata.

 

May mga datos na dumami ang kaso ng online sexual abuse and exploitation of children o OSAEC ngayon nagpapatuloy ang global health crisis dulot ng COVID 19.

 

Sa isinagawang #MakeITSafePH webinar ng Globe katuwang ang UNICEF/SaferKidsPH, IWF, Citizens Watch at Bantay Konsyumer, Kuryente, Klasada (BK3) kasabay ng paggunita ng Safer Internet Day, natalakay ang kasalukuyang sitwasyon ng OSAEC sa bansa.

 

Hangad ng Globe na maging ligtas ang bawat Filipino online, lalo na ang mga kabataan na malaki ang ginugugol na oras sa cyberworld bunsod na rin ng online learning system.

“Ang internet safety ay hindi lamang para sa iilan. Naniniwala kami sa Globe na lahat ng gumagamit ng internet, bata man o matanda, ay dapat ligtas sa alinmang pang-aabuso. Kaya naman sinisikap namin na makipagtulungan sa lahat ng sektor at maging sa mga indibidwal para sama-samang sugpuin ang OSAEC at bumuo ng mas ligtas at magandang kinabukasan para sa susunod na henerasyon,” sabi ni Globe Data Protection Officer Irish Salandanan-Almeida.

Nasabi rin ni Salandanan-Almeida na maari rin gamitin ng mga magulang ang children’s story book na “Safe Space: A Kid’s Guide to Data Privacy” para turuan ang kanilang mga anak kung paano maging isang responsible digital citizen at ito ay libre sa Globe eLibrary.

Ayon kay Emma Hardy, Communications Director ng IWF, tumaas nang 64% ang kaso ng pang-aabuso sa mga kabataan noong nagsimula ang pandemya. Isa sa mga nakikitang dahilan ay ang paghihikahos ng mga pamilya, kung saan may mga magulang na ginagamit ang kanilang mga anak sa paggawa ng malalaswang materyal para kumita ng pera.

Bukod pa rito, ayon kay Ramil Anton Villafranca, Child Protection Officer ng UNICEF, tumaas ang bilang ng cyber tip reports sa Pilipinas na natanggap ng Department of Justice – Office of the Cybercrime sa tatlong milyon noong 2021 mula sa 1.2 milyon noong 2020.

Idinagdag din ni Prof. Louie Montemar ng BK3 na ang mga batang biktima ng OSAEC ay kadalasang nagkakaroon ng trauma. Apektado nito ang pangkalahatang kalusugan ng bata kasama ang mental health.

Read more...