Nakakaapekto pa rin ang tatlong weather system sa bansa.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Obet Badrina, umiiral pa rin ang low pressure area (LPA) sa Mindanao region at Palawan.
Huli aniyang namataan ang sama ng panahon sa layong 260 kilometers Kanluran ng Zamboanga City dakong 3:00 ng hapon.
Gayunman, sinabi ni Badrina na hindi pa rin inaasahang magiging bagyo ang LPA.
Magdadala naman ng mahihinang pag-ulan ang Northeast Monsoon o Amihan sa Cagayan Valley, Cordillera region, at Aurora.
Makararanas din ng pag-ulan na may kasamang pagkidlat at pagkulog sa malaking parte ng Visayas, Bicol region, MIMAROPA, Palawan, at Quezon dulot naman ng shear line.
Sa nalalabing bahagi ng bansa, kasama ang Metro Manila, asahan ang maaliwalas na panahon. Ngunit hindi pa rin inaalis ng weather bureau ang posibilidad na makaranas ng pulo-pulong pag-ulan.