Pinabulaanan ni Pangasinan-based journalist Jaime Aquino na gawa-gawa lamang ang kasong rape na isinampa laban kay Lopez, Quezon Councilor Arkie Yulde.
Sa press conference sa Maynila, sinabi ni Aquino na totoo ang kaso laban kay Yulde na isinampa sa Pangasinan.
Hindi aniya political propaganda o vendetta ang naturang kaso.
Noong Setyembre 2021, inaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Yulde sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Roselyn Andrada-Borja ng Regional Trial Court Branch 53 sa Rosales, Pangasinan.
Inabswelto rin ni Aquino sina Congresswoman Helen Tan at asawang si DPWH director Ronnel Tan at sinabing walang kinalaman sa kaso ni Yulde.
Taliwas ito sa pahayag ng anak ni Aquino na si Justine na gawa-gawa na lamang ang kaso.
Sinabi pa ni Aquino na ginagamit lamang ng mga kalaban sa pulitika ang kanyang anak na si Justine.
Wala pa namang tugon ang kampo ni Yulde sa alegasyon ni Aquino.