Sobrang bilib ang ilang Filipino wrestlers sa tibay, tikas at paninindigan ni Vice President Leni Robredo kayat ito ang kanilang nais maging susunod na pangulo ng bansa.
Sa kanilang pahayag, ayon sa mga wrestlers, kailangan ng bansa ngayon ang isang babaeng pangulo sa katuwiran na manggagaling ang bansa sa isang administrasyon na hitik sa tinawag nilang ‘toxic masculinity.’
Sinabi ni Red Ollera, alias Rederick Mahaba, pinili niya si Robredo dahil ito ay isang magaling na ekonomista.
Katuwiran niya, isang ekonomista ang kailangan ngayon para makabangon ang Pilipinas sa pagkakadapa dulot ng pandemya.
“Siyempre, kasama na doon ang kanyang achievements, malinis na track record, at agriculture-based platform,” dagdag ni Ollera.
Sinabi naman ni Romeo Wendell Imabayashi, tiwala siya sa katapatan sa paglilingkod ni Robredo at napatunayan na ito sa kanyang mga nagawa sa kasagsagan ng COVID 19 crisis.
Ayon naman kay Nigel Abellara, higit na mas tinitingnan niya ang mga nagawa na at ang tatag ng prinsipyo ng isang kandidato, kaya mas nakumbin siya na iboto at i-endorso si Robredo.
Kampante naman si Romeo Moran, na mas kilala sa ring bilang FKA Sandata, na lalong hihigitan ni Robredo ang mga inaasahan sa kanyang serbisyo kapag nakaupo na ito sa Palasyo.
Una nang nagpahayag ng kanilang suporta kay Robredo ang mga kilalang volleyball players ng bansa.