Pacquiao pinuna ang kabiguan ng DOE na paghandaan ang oil price hike

Sinabi ni PROMDI presidential aspirant Manny Pacquiao maaring naiwasan ang pagtaas ng husto ng presyo ng mga produktong-petrolyo kung nakapaghanda lamang ang Department of Energy (DOE).

Diin ni Pacquiao kung nakapag-imbak lamang ng gasolina ar krudo ang kagawaran.

Paliwanag pa nito, dapat ay palaging may sapat na reserba ng mga produktong-petrolyo ang Philippine National Oil Corp. (PNOC), na nasa ilalim ng pangangasiwa ang DOE, sa tuwing may malaking pagtaas sa halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

“ Unang-una, yan talaga ang malaking pagkukulang ng gobyerno lalung-lalo na yung DOE natin dahil supposedly kapag normal po ang sitwasyon natin dapat ang PNOC ang nag-iimport para mayroon tayong reserve na tinatawag para pag dumating yung mga ganitong pagkakataon mayroon tayong magamit,” aniya.

Paliwanag pa nito, itinatag ang PNOC para magkaroon ng reserba ng mga produktong petrolyo para sa mga konsyumer.

“Yang ikinakasama ng loob ko dahil saka lang tayo naghahanda kapag dumating ang mga sakuna. Bakit hindi tayo maghahanda kahit wala pang sakuna?” tanong pa ni Pacquiao.

Aniya mandato ng PNOC na tiyakin na may sapat na suplay ng langis at mga produktong petrolyo sa bansa para sa pangangailangan ng mamamayan.

Sa ulat ng PNOC noong 2020, hiniling na nito ang pagpapatayo ng Strategic Petroleum Reserves (SPR) para sa pag iimbak ng krudo at iba pang petrolyo.

Dapat din aniya buhayin ang Oil Price Stabilization Fund na nalusaw ng Oil Deregulation Law.

Read more...