Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang low pressure area (LPA) sa loob ng bansa.
Ayon kay PAGASA Senior Weather Specialist Chris Perez, huling namataan ng sama ng panahon sa layong 120 kilometers Silangan ng Davao City bandang 3:00 ng hapon.
Kumikilos aniya ang LPA sa bahagi ng Visayas at Mindanao.
Bunsod nito, makararanas pa rin ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog, at pagkidlat sa Bicol region, MIMAROPA, at maging sa buong Visayas at Mindanao.
Payo ng weather bureau, manatiling alerto at mapagmatyag dahil posibleng magdulot ito ng pagbaha o pagguho ng lupa.
Samantala, sinabi ni Perez na iiral pa rin ang Northeast Monsoon o Amihan sa dulong Hilagang Luzon.
Magiging maaliwalas naman ang panahon sa nalalabing bahagi ng bansa, kabilang ang Metro Manila, maliban sa mga panandaliang pag-ulan.