Humanda tayo sa P100/L ng gasoline at posibilidad ng “fuel rationing” – “WAG KANG PIKON!” ni Jake J. Maderazo

Dahil sa patuloy na paglala ng digmaan ng Russia at Ukraine at sa paghihigpit ng produksyon ng langis ng OPEC countries, lumilipad ngayon ang presyo ng krudo. Ang ating bansa ay bumabase sa halaga ng DUBAI Crude oil sa Mean of Plattts ng Singapore. Itinakda ng TRAIN LAW ang benchmark na $80/barrel para sa kanilang pagpapaplano at operasyon ng ating national government. Kapag ang presyo ng DUBAI crude y lumampas ng $80 sa loob ng tatlong buwan, otomatikong aalisin ng gobyerno ang ipinapataw nitong “excise taxes” na P10/liter sa gasolina at P6/liter sa diesel. Pero, mananatii pa rin ang 12 percent Value added tax (VAT) sa produktong langis kahit may krisis.

Ayon mismo sa Department of Energy (DOE), nagsimulang lumampas sa $80/barrel ang Dubai Crude noong unang linggo ng Pebrero. Nitong February 21 to 25, ito’y nasa $95.13/barrel at nitong nakaraang linggo, February 28 hanggang Marso 2, sumampa ito sa $101.82/per barrel. At sa pinakahuling trading, ito’y nasa $110/barrel.

Ibig sabihin, over the bakod na ng $20 hanggang $30 bawat bariles ang presyo ng Dubai Crude sa benchmark nating $80. Ito ang dahilan kung bakit linggo-linggong sumisipa ang presyo ng gasoline at diesel. Sa Martes, inaasahan ang P2 to P3/liter ang idaragdag ng mga kumpanya ng langis. Sa ngayon, papalapit na sa P70 hanggang P80 ang bawat litro ng gasolina at diesel pero merong mga report na sa Boracay, ang bilihan ay P100/liter na.

Ang ginagamit na “formula” ng Dept of energy ay P1/liter increase sa presyo ng gasoline at diesel sa bawat $3 na pagbabago sa presyo ng DUBAI crude oil, pero hindi pa “factored in” dito ang kung mahina o malakas ang ating peso-dollar exchange rate (P51.73). Kayat kung ang presyo nito ngayon ay nasa $110/barrel na mas mataas ng $30 dollars sa $80 benchmark ng TRAIN LAW, ibig sabihin, makatotohanan ang parating na P10 dagdag presyo ng gasolina at diesel sa mga susunod na araw.

Kung susuriin, ang unang tatamaan dito ay mas mataas na pasahe ng mga pampasaherong jeepney na ngayon ay P10 pesos at aakyat sa P15. Ito’y kahit na inaprubahan ng Duterte administration ang P2.5B pantawid pasahe o ayuda sa mga jeepney drivers at transport industry sa panahon ng krisis. Meron ding ibibigay na P500M na ayuda rin sa mga magsasaka at mangingisda na gumagamit ng gasolina o diesel sa kanilang mga bangka sa dagat o trakrora sa mga sakahan. Ika nga, temporary lang ito.

Subalit ang pinakamalaking panganib ay ang malaking posibilidad ng “fuel rationing” o pagrarasyon ng gasoline at diesel na nangyari dito sa bansa noong 1974 OIL CRISIS. Kung magtatagal pa ang giyera sa Russia at Ukraine, habang ang OPEC ay ayaw lakihan ang produksyon, hindi malayong magkaroon ng fuel shortage ang buong mundo. Ika nga, lahat ng mga mayayamang bansa ay mag-uunahang mag-imbak ng kanilang langis at i-monopolya ang bentahan nito sa buong mundo. Kahit mayroon tayong pondong pambili ng langis, wala naman tayong mabilhan dahil uunahan tayo ng mas mayamang mga bansa. Ganyan ang nangyari sa atin sa COVID vaccines, meron tayong pambili pero wala namang mabilhan. Mabuti na lang ang China ang unang tumulong, dahil ang Amerika noon ay tinamaan din at inuna ang kanilang interes. Dito sa oil crises, ganito rin ang mangyayari. Kailangan, siguruhin natina ng suplay sa Saudi Arabia at kaibigang bansa sa Middle east.

At bukod pa riyan, nagbabanta rin ang krisis sa trigo at mais, dahil ang Ukraine at Russia ang pinakamalaking supplier nito. Ibig sabihin, lilipad din ang presyo ng mga tinapay at ang mga presyo ng pagkain sa livestock feeds at iba pang kahayupan.

Nakakainis talagang isipin na kagagaling lamang natin sa malupit at nakamamatay na pandemya, ngayon naman ay hagupit ng world economy ang matinding susubok sa sa atin. At dito, wala tayong aasahang tutulong kundi ang mga lider ng ating bansa, na magdedsisyon para sa atin. Ngayong eleksyon, lalo nating kilatisin kung gaano sila kagaling o bobo sa pagharap sa panibagong “world crisis” na ito. Pero kung mananatili tayong watak-watak at hindi nagkakaisa sa pagharap sa paparating na mga “tsunami” ng high oil prices at “food shortages”, malagim na bukas ang pupuntahan natin.

Read more...