Hindi praktikal, ayon kay Senator Cynthia Villar, na palitan sa panahon ngayon si Dr. Baldwin Jallorina, bilang pinuno ng PhilMech.
Ikinatuwiran ni Villar ang magandang ipinapakita ni Jallorina kasabay nang pagpapatupad ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) program na malaking tulong sa mga magsasakang Filipino.
Aniya sa pamamagitan ni Jallorina ay nabibigyan ng mga makabagong makinarya ang mga magsasaka kayat tumataas ang kanilang ani at gumaganda ang produksyon sa agrikultura.
Paalala pa ng namumuno sa Senate Committee on Agriculture sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte ay pinuri pa nito ang RCEF dahil sa naayos ang suplay ng bigas at bumuti ang presyo ng mga pagkain.
Paglilinaw lang ni Villar opinyon niya lamang na maaring maapektuhan ang mga magagandang nagawa ng PhilMech kung papalitan si Jallorina.
“The implementation of RCEF has been doing well because of all the agencies and people especially Dr. Jallorina, comprising the components,” dagdag pa ng senadora, na sinabing 82.75 porsiyento ng targets para sa pamamahagi ng mga makinarya sa mga kooperatiba at organisasyon ng mga magsasaka ay naabot ng nabanggit na opisyal.
Nangangahulugan na may 1.25 milyong magsasakang miyembro ng 5,314 kooperatiba maging mga lokal na pamahalaan ang nakinabang sa loob ng tatlong taong pagpapatupad ng Rice Tarrification Law.