PASAHERO Partylist nagpaalala sa pagsama sa mga tricycle drivers sa fuel subsidy

Habang inaayos pa ang guidelines sa pagbibigay ng fuel subsidy, hiniling ng PASAHERO Partylist sa gobyerno na isama sa masasakop ng Pantawid Pasada Program ang mga tricycle drivers.

 

Sinabi ni PASAHERO Partylist founder Robert Nazal ngayon ang tamang panahon at pagkakataon para mabigyan ng tulong ang mga naghihirap ng tricycle drivers.

 

Aniya napag-iwanan ang mga tricycle drivers sa programa at ang subsidiya ay higit nilang kailangan ngayon dahil sa nagpapatuloy na pandemya at pagtaas ng presyo ng mga produktong-petrolyo.

 

Hiniling ni Nazal sa Department of Transportation (DOTr) na madaliin ang pagpapalabas ng guidelines at isama ang mga tricycle drivers base sa nakasaad sa General Appropriations Act of 2022.

 

“Kapag natulungan natin ang ating public transport sector, malaking ginhawa ang dulot nito maging sa ating mga commuters at pasahero,” pagpupunto nito.

 

Hindi naman aniya maitatanggi na isa sa mga pinaka-apektado ng epekto ng krisis pangkalusugan ay ang mga nasa sektor ng tatlong gulong.

 

Sinabi naman ni PASAHERO Partylist co-founder Allan Yap kailangan lang masiguro na hindi na makakalimutan sa pagbibigay ng subsidiya ang mga tricycle drivers

 

Ito aniya ay pagkilala na rin sa kanilang pagseserbisyo ngayon may pandemya dahil sila ang pangunahing sasakyan ng mamamayan.

Read more...