Kinastigo ni Senator Francis Tolentino ang mga kinatawan ng Department of Justice at Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) dahil sa hindi pagtatanong sa Kongreso nang bigyan ng lisensiya ang online sabong operators.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order ukol sa mga nawawalang 34 sabungero, inakusahan ni Tolentino ang DOJ at PAGCOR ng panunulot sa kapangyarihan ng Kongreso sa pagbibigay ng permit.
Diin ng senador sa mga nangyayaring kaguluhan, walang dapat sisihin kundi ang DOJ dahil sa baluktot na interpretasyon ng batas.
Paliwanag ng namumuno sa Senate Committee on Local Government, walang nakasaad sa kahit anumang probisyon ng Presidential Decree No. 1869 at Republic Act No. 9487 na nagbibigay ng puder o kapangyarihan sa PAGCOR upang solohin ng nasabing ahensya ang pagbibigay ng permit sa online sabong business.
“The law is what is written. Kung hindi ‘yun nakasulat doon, hindi ‘yun batas. Ang pwede lang po gumawa ng batas, Kongreso… hindi po DOJ,” ani Tolentino.
Ikinabanas pa ng husto ni Tolentino ang katuwiran ni Chief State Counsel George Ortha na may kapangyarihanang DOJ na magkaroon ng sariling interpretasyon ng batas—dahil sa papel nito bilang ‘Attorney General’ ng bansa.