Kasama ang mga kinatawan mula sa World Bank, binisita ng mga opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang ilang pasilidad at proyekto na nasa ilalim ng Metro Manila Flood Management Project.
Unang tinungo ng mga opisyal ang Vitas Pumping Station sa Tondo, Maynila at ipinaliwanag ng mga opisyal ng MMDA sa mga taga-World Bank ang proseso sa paggawa ng eco-bricks, eco-hollow blocks at eco-concrete barriers mula sa naipong mga basura.
Kasunod nito ay nagtungo ang grupo sa Pateros para matunghayan ng mga bisita ang Market and Collection Day para sa Mobile Materials Recovery Facility o ang pagkasa ng ‘Recyclable Mo, Palit Grocery Ko’ sa Barangay Sto. Rosario.
Sa programa, bibigyan puntos ang mga residente kapalit ng mga recyclable materials na kanilang ibibigay at ang puntos ay maaring magamit sa pagbili ng kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes layon ng mga proyekto na mabawasan ang pagbabaha sa Kalakhang Maynila dahil sa mga basura.
“The MMDA shall continue pursuing initiatives and technologies that improve solid waste management in the metropolis. We are committed to working together with the concerned agencies to achieve a Metro Manila that is more resilient to floods,” sabi pa ng opisyal.