HDO inilabas laban kina Ex-PNP Chief Alan Purisima at 16 iba pa

 

Nag-isyu na ng hold departure order o HDO ang Sandiganbayan 6th Division laban sa dating hepe ng Philippine National Police na si Alan Purisima at 16 na iba pa kaugnay ng maanomalyang kontrata na pinasok nila noong 2011.

Hindi na maaaring makalabas ng Pilipinas nang walang basbas ng korte si Purisima at mga kapwa akusado niya na sina dating Chief Supt. Raul Petrasanta, Director Gil Meneses, Chief Supt. Napoleon Estilles, Senior Supt. Allan Parreño, Senior Supt. Eduardo Acierto, Senior Supt. Melchor Reyes, Supt. Lenbell Fabia, Chief Insp. Sonia Calixto, Chief Insp. Nelson Bautista, Chief Insp. Ricardo Zapata Jr., at Senior Insp. Ford Tuazon.

Gayundin ang mga incorporator ng Werfast Documentary Agency, Inc. na sina Mario Juan, Salud Bautista, Enrique Valerio, Lorna Perena at Juliana Pasia.

Nahaharap ang mga nabanggit sa kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang mga akusado matapos umanong pumasok sa maanomalyang kontrata para sa pagpapadala ng mga firearms license sa mga lehitimong may-ari ng baril.

Ang Werfast ay hindi umano rehistrado sa Securities and Exchange Commission bago pumasok sa kontrata at walang permiso mula sa Department of Transportation and Communications para sa operasyon nito.

Sinisingil ang mga aplikante ng lisensya ng 190 pesos sa mga taga-Metro Manila at 290 pesos sa labas ng National Capital Region. Ayon sa Office of the Ombudsman 90 pesos lamang ang singil ng ibang courier service provider sa pagpapadala sa Metro Manila.

Read more...