Walang balak si Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno na ipagpatuloy ang kontrobersiyal na Oplan Tokhang o “Toktok, hangyo” na anti-illegal drug program ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Moreno, hindi niya papayagan ang mga awtoridad na magbahay-bahay at katukin ang tahanan ng drug suspects, maliban na lamang kung mayroong warrant of arrests.
Pero paglilinaw ni Moreno, tuloy ang anti-drug war campaign maliban lamang sa Tokhang.
“As long as there is search warrant and warrant of arrest. Under the law you can do that any time of the day. As I have said. Tuloy ang war on drugs, tapos kikilalanin natin yung mga batas na umiiral at yun ang ipatutupad natin,” pahayag ni Moreno.
Inulan ng batikos ang Tokhang dahil sa dami ng napatay na maliliit na drug personalities.
Pagtutuunan ng pansin ni Moreno ang big-time drug dealers.
“Basta ako, tuloy-tuloy lang yung war on drugs. At ito yung war on drugs kung saan hindi natin tino-tolerate yung pagbebenta ng droga. But the thing is we must go to the source. Tayo, we’ll go after the source,” pahayag ni Moreno.
Ayon kay Moreno, kahit napigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang sindikato ng drug manufacturer, binabaha pa rin ng illegal na droga ang bansa.
“If it is true na wala ng manufacturing dito, ibig sabihin pumapasok ito sa mga borders natin. Malamang yan kasama yan sa mga smuggling ng mga produkto sa ating bansa. At pumapasok sa atin, kung dati nakakagawa sila isang kilo, dalawang kilo lang sa isang planta, e ngayon kung makapagpasok sila, tone-tonelada,” pahayag ni Moreno.
“So, there must be something wrong with our port of entry, whether it is air or water. And remember we are an archipelagic country, and we don’t have enough resources na bantayan ang 7,000 mahigit na isla ng ating bansa. So most likely dito siya pumapasok. So kailangan nating bantayan, kailangang higpitan,” dagdag ni Moreno.