Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang executive order na magbibigay proteksyon sa mga refugee, stateless person at mga indibidwal na humihingi ng asylum o ang persons of concern.
Base sa EO 163, pinatitiyak ni Pangulong Duterte na protektado ng estado ang seguridad at kalayaan sa pagkilos ng mga POC.
Nakasaad din sa EO ang pagbibigay sa mga POC ng socioeconomic services, social security benefits, trabaho, edukasyon, tulong legal, access sa mga korte at Kalayaan sa relihiyon.
Inilabas ng Palasyo ang EO sa gitna ng COVID-19 pandemic na naglilimita sa kilos ng mga POC para makatawid ng borders para sa kanilang proteksyon.
Sa ilalim ng EO, nakasaad ang pagtatatag ng inter-agency committee on the protection of refugees, stateless persons at asylum seekers na pangungunahan ng Department of Justice (DOJ) bilang chairman at Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang vice chairman, kasama ang iba pang mga ahensiya ng gobyerno bilang mga miyembro.
Inatasan ng pangulo ang komite na ibigay ang akmang proteksyon at iba pang social services sa mga POC.
Kasama sa trabaho ng komite ang makipag-ugnayan sa United Nations High Commissioner for Refugees at iba pang international bodies para siguruhing maibibigay nang tama ang kinakailangang serbisyo at proteksyon sa mga POC.
Kaugnay nito, obligado naman ang mga POC na sumunod sa umiiral na mga batas at patakaran ng estado na may kinalaman sa public order, public health at national security.
Ang kautusang ito ng Palasyo ay bilang pagkilala na rin sa 1951 United Nations Convention Relating to the Status of Refugees, 1954 United Nations Convention Relating to the Status of Stateless Persons, at 1961 Convention of the Reduction of Statelessness.