Ex-broadsheet correspondent sibak sa NPC dahil sa ‘fake news’ sa isang Quezon official

Dahil sa labis na paghihirap na sinapit ng isang lokal na opisyal sa lalawigan ng Quezon, inalis ng pamunuan ng National Press Club (NPC) sa listahan ng kanilang miyembro ang isang provincial correspondent ng isang national broadsheet.

Sinabi nina Usec. Joel Sy Egco, executive director ng Presidential Task Force on Media Security at Atty. Freddie Villamor, nabunyag na ang rape case na inihain laban kay Coun. Arkie Manuel Yulde, ng Lopez, Quezon ay gawa-gawa lamang ni Jaime Aquino, dating correspondent ng The Manila Times sa Pangasinan.

Inaresto at nakulong ng ilang buwan si Yulde dahil sa ‘fake news’ na ipinakalat ni Aquino ukol sa pagdukot at panghahalay.

Nabatid na lalong naghirap si Yulde nang malaman na ikinamatay ng kanyang mga magulang ang mga gawa-gawang kaso.

Nabunyag din na ang ginamit na organisasyon ni Aquino na Citizen Movement Against Crime, Corruption, Illegal Drugs and Gambling ay imbento lamang din.

Nakalaya si Yulde nang makapagsumite ito ng mga ebidensiya na magpapatunay na gawa-gawa lamang ni Aquino ang mga alegasyon.

Nabatid na ang naturang modus ang ginamit din ng grupo ni Aquino laban kay Cagayan Export Zone Authority Administrator at Northern Luzon presidential adviser Raul Lambino at sa asawa nitong si Mangaldan, Pangasinan Mayor Marilyn Lambino.

Inasunto pa sa Office of the Ombudsman ang mag-asawang Lambino base diumano sa mga reklamo ng kanilang dating dalawang kasambahay.

Una nang inalis sa The Manila Times si Aquino noong nakaraang Enero 18 base na rin sa pagdududa ng kanyang mga editors sa mga isinusumite niyang istorya, partikular na ang kinasasangkutan ng mga Lambino.

Read more...