Hindi na tuloy ang motorcade ni Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno sa Caloocan City, araw ng Martes (March 1).
Ayon kay Lito Banayo, campaign strategist ng Aksyon Demokratiko, bigla kasing kinansela ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang permit ni Moreno.
Nabatid na binigyan ng permit si Moreno, Lunes ng umaga (February 28), subalit binawi rin sa hapon.
Paliwanag ni Banayo, ang lokal na pulitika ang rason ng pagkansela ng permit.
Pambato kasi aniya ng Aksyon Demokratiko sa pagka-mayor si Congressman Edgar Erice at makakalaban ang anak ni Malapitan.
Kung tutuusin, ayon kay Banayo, maari namang makapag-motorcade si Moreno dahil may legal sila na permiso.
Narito ang pahayag ni Banayo:
WATCH: Aksyon Demokratiko campaign strategist Lito Banayo: Hindi tuloy ang motorcade ngayong araw ni presidential bet Isko Moreno sa Caloocan City dahil binawi ang permit. Local politics ang dahilan. @radyoinqonline pic.twitter.com/cbiwPyVHvt
— chonayuINQ (@chonayu1) March 1, 2022
Pero nagpasya aniya si Moreno na kanselahin na lamang ito para wala ng gulo.
Sinabi naman ni Moreno na hindi niya ito gagawin sa mga kalabang kandidato.
Kahit sino aniyang pulitiko ay maaring makapangampanya sa Maynila at hindi na kailangang kumuha ng permit.