100 porsyentong passenger capacity, ipinatutupad na sa MRT-3

Photo credit: DOTr MRT-3/Facebook

Simula sa araw ng Martes, March 1, ipinatupad na ang 100 porsyentong passenger capacity sa linya ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Kasabay ito ng pagsisimula ng implementasyon ng Alert Level 1 sa National Capital Region (NCR).

Sa 100-percent passenger capacity, kayang magsakay ng 394 pasahero sa bawat train car o bagon, o katumbas ng 1,182 pasahero sa kada train set.

Tugon ng pamunuan ng MRT-3 at Department of Transportation (DOTr) ang pagtataas ng kapasidad ng mga tren sa pagtaas ng demand sa pampublikong transportasyon kasabay ng pagbubukas ng mas maraming establisyemento sa Metro Manila.

Tiniyak ng MRT-3 na mahigpit pa ring iiral ang minimum public health standards sa buong linya, kabilang ang pagbabawal sa pagsasalita, pagkain, pag-inom, at pagsagot sa telepono sa loob ng mga tren.

Dapat palagi ring nakasuot ng face mask habang boluntaryo naman ang pagsusuot ng face shield.

May mga nakatalaga pa ring train at platform marshals para sa implementasyon ng minimum public health standards sa MRT-3.

Photo credit: DOTr MRT-3/Facebook

Read more...