Matapos mabigo ang ilegal na pag-aresto sa kanya, lubhang nababahala na ang isang lawyer-enviromentalist sa kanyang kaligtasan.
Ayon kay Atty. Beulah Coeli Fiel, pangulo ng Econest Waste Management Corp., ang dating operator ng sanitary landfill sa Hermosa, Bataan, nakatanggap siya ng impormasyon na aarestuhin siya ng weekend.
Aniya sa CCTV footages sa kanyang bahay, mapapanood ang mga umaaligid-aligid na mga awtoridad na naka-sibilyan.
Sinabi ni Fiel na sa media lamang niya nalaman na nagpalabas ng warrant of arrest para sa kanya si Judge Amelita Cruz Corpuz ng Balanga RTC Branch 66, noong Pebrero 14 at hindi rin ito ipinaalam sa kanyang abogado.
“I felt a genuine, insurmountable and unshakeable fear for my life after seeing those unidentified men from the CCTV footage, introducing themselves as policemen, but in civilian uniforms,” diin ni Fiel.
Magugunita na inireklamo niya ang ilang lokal na opisyal ng Hermosa sa Office of the Ombudsman base sa paniniwalang ilegal ang pagpapasara ng kanyang landfill noong 2020.
Paghihiganti naman aniya ng lokal ng pamahaalaan ang pagsasampa sa kanya ng kasong paglabag sa Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990.
Pinagbintangan si Fiel na tumatanggap sa kanyang landfill ng ‘toxic and hazardous wastes,’ mariin naman niyang itinanggi.
Boluntaryo na rin sumuko si Fiel at naglagak ng P120,000 piyansa.
“The case is a mere harassment suit. Environmental cases are highly technical issues, and the EMB did not even join the LGU of Hermosa in filing the trumped up criminal charges against me. Kasi po, tumatakbo pa po ang kaso namin ng Hermosa sa tanggapan ng DENR,” diin pa nito at aniya hindi niya tatakbuhan ang kanyang mga kaso.