Mga dayuhan, pinaalalahanan ng BI ukol sa 2022 annual report

Nagpaalala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga dayuhan na magparehistro sa ahensya hanggang March 1 upang makapaghain ng kanilang 2022 annual report (AR).

Sa inilabas na pahayag, sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na sa mga nakalipas na taon, hindi palalawigin ang deadline ng AR dahil nakasaad sa alien registration act na dapat mag-report nang personal ang BI-registered aliens sa ahensya sa unang 60 araw kada taon.

Sinumang dayuhan ang bigong makapaghain ng AR ay maaring maharap sa parusa, kabilang ang multa o deportation.

Hinikayat ni Morente ang mga dayuhang hindi pa nakakapaghain ng kanilang AR na kumuha na ng slot sa pamamagitan ng online appointment system ng BI.

Sa ilalim ng batas, lahat ng dayuhan na nakarehistro sa BI na may hawak ng immigrant at non-immigrant visas ay obligadong sumunod sa annual reportorial requirement.

Kailangan nilang maipakita ang kanilang orihinal na alien certificate of registration identity card (ACR ICard) at pasaporte.

Maaring hindi personal na magtungo sa ahensya ang mga dayuhang may edad 14-anyos pababa at 65-anyos pataas.

Exempted din ang mga buntis, taong may kapansanan at ang mga indibiduwal na mentally at physically incapacitated.

Maliban sa BI main office sa Intramuros, Maynila, pwede ring makapaghain ng AR sa iba’t ibang field, district, satellite at extension offices sa buong bansa.

Read more...