Online program ikakasa sa paggunita sa ika-5 taon sa kulungan ni Sen. Leila de Lima

Sa paggunita ngayon araw ng ika-limang taon sa kulungan ni Senator Leila de Lima, magkakaroon ng online program na tatampukan ng mga kilalang personalidad, sa pangunguna ni presidential aspirant at Vice President Leni Robredo.

 

Inaasahan din na sa programa na magsisimula ngayon alas-7 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi, mapapanood ang videos messages nina Robredo, Sen. Frank Drilon, dating  Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, dating Ombudsman at Associate Justice Conchita Carpio-Morales, Bro. Armin Luistro, Prof. Randy David at ng women rights group #EveryWoman.

 

Matutunghayan din ang mensahe ng suporta nina Megastar Sharon Cuneta, Angel Aquino, singers Celeste Legaspi at Jim Paredes.

 

Magbibigay naman ng kasiyahan sa mga manonood ng “Leilaya: kada Oras, May Tumataya, Mga Tinig ng Paglaya” sa official Facebook page ni de Lima sina Bayang Barrios, Johnoy Danao, Skarlet Brown, Musicians for Democracy, Rey Abella, Nathan Abella, Ana Abad Santos, Phi Palmos, Yayo Aguila, Kalila Aguilos, at Madeleine Nicolas.

 

Magugunita na noong Pebrero 24, 2021, nagkaroon naman ng online concert para sa senadora na pinamagatang “Leilata! Mga Tinig at Himig ng Paglaya.”

 

Mula sa kanyang kulungan ay naglunsad ng reelection campaign si de Lima at aniya hindi mapipigil ng rehas ang kanyang paglaban para sa kanyang mga adbokasiya dahil na rin sa pagpupursige ng kanyang mga taga-suporta.

Read more...