SC hiniritan ng PASAHERO Partylist na ideklarang labag sa Konstitusyon ang ‘No Vax, No Ride’ policy

Paglabag sa karapatan na ginagarantiyahan ng Saligang Batas ang ‘No Vaccination, No Ride’ policy ng Departmet of Transportation (DOTr).

 

Ito ang iginiit ng PASAHERO Partylist nang ihain sa Korte Suprema ang kanilang 41-pahinang petisyon at ikinatuwiran na ang bawat Filipino ay may karapatan na bumiyahe at may karapatan din kung nais nilang magpabakuna o hindi.

 

Ang polisiya ay nakapaloob sa DOTr Department Order No. 2022 – 001 na nagbabawal sa mga hindi pa bakunado ng COVID 19 vaccine na sumakay sa lahat ng mga pampublikong sasakyan, gayundin sa mga sasakyang-pandagat at eroplano, palabas o patungo ng Metro Manila.

 

Binatikos din ng PASAHERO ang Inter-Agency Task Force (ITAF) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa pagsuporta sa nabanggit na polisiya.

 

Nais ng grupo na sumagot sa kanilang petisyon sina IATF Chairman at Health Sec. Francisco Duque III, Transportation Sec. Arthur Tugade at MMDA Officer-in-Charge Romando Artes.

 

Diin ng PASAHERO nais lamang ng mga ordinaryong mananakay na makapagtrabaho at buhayin ang kanilang pamilya.

 

Through the existence of MMDA Resolution No. 22-01 and DOTr D.O. No. 2022-001, they will always stand to be deprived of their most basic rights to travel and earn a living by reason of them being unvaccinated,” giit pa ng grupo.

 

Hiniling din nila na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) at preliminary injunction para hindi na maipatupad ang polisiya habang hinihintay ang resolusyon sa kanilang petisyon.

 

Paglilinaw pa ng grupo hindi nila kinukuwestiyon ang kahalagahan ng bakuna, ngunit hindi nito maaring mabura ang karapatan ng bawat mamamayan na tanggihan ang anumang gamot na ibibigay sa kanila.

 

Wala din batas, ayon pa sa PASAHERO, para sa ‘mandatory vaccination’ para pagbasehan ng ‘No Vaccination, No Ride’ policy.

Read more...