WATCH: Mga residente sa BARMM, hindi na nagdadalawang-isip na magpabakuna kontra COVID-19

Dumadami na ang mga nagpapabakuna kontra COVID-19 sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim na nasa 1.8 milyon na mula sa 3.4 milyong katao na target ang nabakunahan na.

Sa naturang bilang, mahigit 246,061 o pitong porsyento ang partially vaccinated; 880,821 o 18 porsyento ang fully vaccinated; habang 62,272 ang nabigyan na ng booster shot.

“BARMM is doing its best to reach out our target and soon reach the herd immunity. We are always calling on our constituents to go out and be vaccinated and that it is the safest way to achieve herd immunity and that we are doing this to protect ourselves or family and our community in general,” pahayag ni Ebrahim.

Dahil marami na aniya ang nabakunahan, unti-unti na ring bumaba ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.

Bumaba na rin ang bilang ng mga nasawi.

Sa pinakahuling talaan noong February 22, nasa 19,642 ang kumpirmadong kaso.

Sa naturang bilang, 125 ang aktibong kaso kung saan karamihan ay mga asymptomatic at mild cases.

Nasa 18,839 ang makarekober habang nasa 680 ang kabuuang bilang ng mga nasawi.

“So as of now iyon na nga, ang active case namin is .6% which is 125; ang recovery is 95.9% or 18,839; and then the percentage of death is 3.5%. So iyon po ang summary namin sa ngayon,” pahayag ni Ebrahim.

Paliwanag ni Ebrahim, kaya bumaba ang vaccine hesitancy ng mga taga-BARMM dahil sa maayos na pagpapaliwanag na subok at ligtas ang bakuna.

“Nararamdaman din po kasi medyo, at least nagtulungan na iyong mga religious group, iyong mga leaders, political leaders para makumbinsi iyong mga tao. Saka naman kasi nakikita naman nila na wala namang negative effect iyong vaccine. So medyo iyong hesitancy is bumaba na po dito sa BARMM,” pahayag ni Ebrahim.

Matatandaang una nang iniulat ni vaccine czar Carlito Galvez Jr kay Pangulong Rodrigo Duterte na marami pa sa mga residente ng BARMM ang nag-aalangang magpabakuna.

Personal na nagtungo si Galvez sa BARMM kamakakailan para kumbinsihin ang mga Muslim na magpabakuna na para may proteksyon laban sa COVID-19.

Narito ang buong ulat ni Chona Yu:

Read more...