Bukas si PROMDI presidential candidate Senador Manny Pacquiao na kunin bilang consultant o adviser si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay kung mananalong Pangulo ng bansa si Pacquiao sa eleksyon sa Mayo.
Ayon kay Pacquiao, hindi niya tatanggihan ang magagandang payo para patakbuhin ang Pilipinas.
“Kung sinasabi mong consultant eh kung ako naman ako na tao tinatanggap ko yung mga advice na magaganda. Kasi may kasabihan kami in a Christian life: Do not assume that you are good enough to go to heaven. Because that’s the greatest hindrance for a person to be saved,” pahayag ni Pacquiao.
Ayon kay Pacquiao, hindi maganda sa isang lider na hindi na makinig sa mga payo.
“Meaning to say, being a leader huwag mo sabihin na ikaw ang pinaka magaling. Huwag mo sabihin na hindi ka na advisan, pwede ka nang hindi tumanggap ng advice mga ganun. Don’t do that,” pahayag ni Pacquiao.
Nilinaw pa ni Pacquiao na wala naman silang away ni Pangulong Duterte kahit na magkaiba ang kanilang paninindigan sa pagtugon sa West Philippine Sea, pati na sa isyu ng korupsyon.
“Kaibigan naman kami. Hindi naman ako namemersonal. Ang akin lang ‘yung pinaglalaban ko ‘yung tama. Kapag masama ka ah mag away tayo. Pag gusto mo yung masamang gawain tapos ako ayaw ko, ayaw ko yan,” pahayag ni Pacquaio.
Wala pang iniendorso si Pangulong Duterte na kandidatong Pangulo ng bansa.