21 sugatan sa tumagilid na jeep sa Antipolo City

CONTRIBUTED PHOTO FOR RADYO INQUIRER BY CRYSTAL SEVILLA
CONTRIBUTED PHOTO FOR RADYO INQUIRER BY CRYSTAL SEVILLA

Sugatan ang dalawampu’t isang sakay ng pampasaherong jeep matapos sumalpok sa pader sa palusong na bahagi ng Oliveros St., Ortigas extension, Brgy. Dela Paz, Antipolo City.

Sa panayam ng Radyo Inquirer sa operator ng Jeep na si Mario Lasiman, sinabi nito na nasa maayos naman na kondisyon ang kanyang sasakyan na may plakang PGX 203 at may byaheng Antipolo-Shaw Crossing nang ito ay ibiyahe kanina.

Kabilang sa nasugatan ang tatlong bata na nagtamo ng minor injuries habang kritikal naman ang driver ng jeep na nakilala lamang sa pangalang “Balingit”.

Kuha ni Ricky Brozas

Tumilapon din ang malalaking tipak ng pader dahil sa lakas ng pagkakabangga ng jeepney dahilan para mawarak ang harapang bahagi nito.

Ayon naman sa Antipolo City Traffic Investigator na si Quovani Bagagnan, madalas may naaksidente sa naturang lugar dahil bukod sa palusong ay gawa sa aspalto ang kalye.

Patuloy na nilalapatan ng lunas sa Amang Rodriguez Memorial Hospital sa Marikina City ang tsuper ng jeep habang sa Regalado Hospital naman ginamot ang ibang pasahero.

Read more...