Nangungunang prayoridad pa rin ni reelectionist Senator Sherwin Gatchalian ang pag-angat ng kalidad ng mga pampublikong eskuwelahan sa bansa.
Base sa datos, sa kasalukuyan, may 27.41 milyon estudyante sa basic education at mahigit 24 milyon sa bilang o 88 porsiyento ang nasa mga pampublikong eskuwelahan.
Nabanggit din nito na marami sa mga empleado at kawani ay mula sa public schools nararapat lamang na patuloy na iangat ang kalidad ng edukasyon sa mga pampublikong eskuwelahan.
“Bibigyan natin ng atensyon ang ating mga pampublikong paaralan dahil dito nag-aaral ang halos 90% ng ating mga mag-aaral. Kung maayos natin ang ating mga public schools, maaayos natin ang buong bansa,” sabi pa ng namumuno sa Senate Committee on Basic Education.
Kasabay nito, sinabi din ni Gatchalian na dapat ay mas dekalidad na edukasyon din ang nakukuha ng mga guro, gayundin ang kanilang mga pagsasanay.
Iniakda at isinulong nito ang Excellence in Teacher Education Act na layong patatagin ang Teacher Education Council (TEC) na magtatakda ng mga pamantayan sa mga teacher education programs. Layon din ng panukalang batas na palakasin ang ugnayan sa pagitan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at ng Professional Regulation Commission (PRC).