Globe nakiisa sa disaster resilience seminar

Kabilang ang Globe sa mga malalaking kompaniya na nakiisa sa isang webinar ukol sa disaster resilience o katatagan sa kalamidad. Maraming eksperto ang nagbahagi ng kanilang kaalaman sa Liveable Cities Lab webinar na may temang “Road to Resilience: Preparing Our Communities for Natural Disasters.” Ang Liveable Cities Lab ay isang proyekto na pinangungunahan ng iba’t ibang sektor ng lipunan katuwang ang pribadong sektor at malalaking kompaniya tulad ng Globe. Layon ng webinar na maging “liveable” ang bawat lungsod sa bansa para sa sabay-sabay na pag-unlad ng ekonomiya ng bawat bayan sa Pilipinas. Ayon kay Rofil Sheldon Magto, Globe Communications Manager sa Visayas at Mindanao, patuloy ang pamumuhunan nila sa mas matitibay na mga imprastruktura para masiguro ang maaasahang connectivity kahit may malalakas na bagyo at iba pang kalamidad. Patuloy ring naka-agapay ang mga programa na nagbibigay ng karagdagang kagamitan tulad ng Cell site On wheels (COW), Tower on Wheels (TOW), Genset on Truck (GOAT), Mobile Communications Command Center, mga satellite phones, at radio communications ng Globe para masiguro ang komunikasyon kapag may sakuna. “Naniniwala ang Globe sa kapangyarihan ng pagtutulungan. Maliban sa aktibo naming kampanya ukol sa disaster preparedness gamit ang social media, SMS advisories at mga cellular broadcasts, mahalaga pa rin ang sama-samang pagtutulungan para maihatid ang serbisyong kailangan ng mga Pilipino lalong-lalo na tuwing may kalamidad,” ani Magto. Nabigyan diin sa webinar ang kahalagahan ng pagtutulungan ng bawat miyembro ng komunidad, mapa-pribado man o gobyerno, para makamit ang minimithing “resilience” or tibay ng mga serbisyong ito sa panahon ng mga kalamidad.

Read more...