Pinahahanap ni Senator Imee Marcos ang gobyerno ng pangmatagalang solusyon sa tumataas na halaga ng langis.
Ayon sa senadora tila nawawalan na ng halaga ang limitado ng subsidiya sa mga drivers, maging sa mga magsasaka at mangingisda dahil sa patuloy na pagsirit ng presyo ng mga produktong-petrolyo.
“Maari lalo pang sumirit ang presyo ng langis at malampasan pa ang itinaas nito sa presyo sa nagdaang pitong linggo. Hanggang kailan naman tatagal ang mga fuel subsidy?” tanong ni Marcos.
Sa $79.83 kada bariles na halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan, kulang na lamang ng 17 sentimos para mailabas na ang fuel subsidy sa mga driver ng mga pampublikong-sasakyan alisunod na rin sa Pantawid Pasada Program.
Aniya sa pagbabalik ng sigla ng mga negosyo sa ‘pre pandemic level’ maaring hindi maging sapat ang suplay ng langis.
Paniwala niya babawi muna ang mga bansang nagsu-supply sa kanilang pagkalugi bago nila dadamihan ang kanilang produksyon.
Ang isa pang ikinababahala ni Marcos ay ang matinding tensyon ngayon sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Dismayado ang senadora sa usad-pagong na pagkasa ng Strategic Petroleum Reserve sa bansa.