Sinabi ni Binay na labis-labis na paghihirap na ang dinaranas ng public utility drivers sa pagtaas ng halaga ng krudo.
“Umaaray na po ang ating mga public transport sector workers. Ngayon pa nga lang sana sila babangon muli dahil matagal silang natengga dahil sa pandemya, nanganganib pa dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis,” sabi pa nito.
Una nang sinabi ni Budeget Undersecretary Tina Rose Marie Canda na ibabase ang halaga ng pondo sa Dubai crude benchmark at nabatid na may kailangan pa ring magsumite ng mga dokumento ang Department of Transportation (DOTr) para mailabas nila ang pondo.
“Kung iisang dokumento na lang pala ang hinihintay and the rest of the criteria for the release of aid is already fulfilled, sana i-release na. Napaka-urgent ng isyu na ito at kailangan ng agarang resolusyon,” dagdag pa ng senadora.
Sa 2022 national budget, P2.5 bilyon ang nailaan para sa fuel subsidy sa public transport drivers.